Nagtataka ako, mabigat at hindi maganda ang aking pakiramdam paggising ko kaninang umaga. Sa katunayan, napaisip na akong lumiban sa pagpasok sa opisina sa Intramuros. Mayroon palang darating na hindi magandang balita.
Mga alas tres ng hapon, nakatanggap ako ng text mula kay Gng. Estelita Llanita, chair ng social studies sa La Salle Greenhills at may mga kakilala sa St. Mary’s College of Quezon City kung saan nagsilbing guro at dean si Dr. Santos sa mahabang panahon. Ang balita: pumanaw na raw si Dean Santos noong umaga.
Tumawag agad ako sa bahay nila Dean upang tiyakin ang balita. Kumpirmado. Nakausap ko si Grace ang kasama sa bahay nila Dean na nag-aasikaso sa kanya. Sa burol, nakausap ko ang apo na si Malu at atake raw sa puso ang dahilan ng pagpanaw ng kanyang lola.
Pagkakumpirma sa balita, tinext at tinawagan ko agad-agad ang mga officers ng Philippine Historical Association, maging sa facebook at email upang maipabatid sa mga taong nakasama, kaibigan at nagmamahal kay Dean ang balita, na nasa probinsiya at ibang bansa.
Nagkasundo kami ni Dr. Evelyn Miranda na pupunta sa burol, bilang kapamilya ni Dean sa PHA. Tinawagan ko rin si Dr. Serafin Quiason at nagdesisyon kaming dadalaw na sa gabing iyon. Ganoon din si Dr. Zeus Salazar. Tatlong historyador ang nakasama ko sa pagdalaw kay Dean Santos sa unang gabi ng kanyang burol, upang magpugay sa alaala ng isang historyador na labis na minahal ang disiplina ng kasaysayan. Habang nasa daan naman ay nakatanggap ako ng tawag mula pa sa Estados Unidos, si Dr. Nap Casambre na nagbibilin ng kanyang pakikiramay para sa pamilya ni Dean Santos. Naroon ang lungkot sa pagpanaw ng isang kasamahan at kaibigan.
Mahal ko si Dean. Sa publiko, sa mga programa ng PHA tuwing siya ay magbibigay ng opening remarks at alam niyang ako ang nagtrabaho ng gawaing iyon, lagi niya akong pinupuri. Parang lagi siyang nagpapalakas sa akin, at tuwang-tuwa naman ako. Pero pag kaming dalawa lang, pinapangaralan niya ako at binibigyan ng magagandang payo sa buhay. Noong umalis ako sa Ateneo, naku, talagang pinagsabihan niya ako ukol sa paglipat-lipat ng paaralang pinagtuturuan. Alam ko, dama ko, mahal niya ako.
Tuwing babalikan ko ang mga alaala ko kay Dean Santos, napapangiti at natatawa ako. Grabe siya humirit. Nakakamiss ang kanyang pagkakalog at mga pagpapatawa. Mga matatalino, makukuiit at malalambing na hirit. :)
Late last year, napanaginipan ko siyang nakaburol. Tinext ko agad si Mam Cely Boncan at sinabi ito sa kanya. Sabi niya, wag naman sana muna. Kaya nitong Enero, dinalaw ko si Dean sa kaniyang bahay at halos buong araw akong nakipagkuwentuhan, nakikain at nang-interview. Game na game naman siya sa pagpapa-interview. :)
Dumating nga ang annual meeting ng PHA nitong Enero at si Dean Santos din ang aming naging gabay sa pagsasaayos sa ilang mga bagay-bagay. Makabuluhan ang mga payo ni Dean sa amin. Makikita mong may wisdom. Kaya ako mismo, marami akong nalaman at natutuhan sa kanya: mula sa mga maliliit na tsismis at isyu hanggang sa mga malalaking plano at pangarap para sa PHA, sa disiplina ng kasaysayan at sa bayan.
Icon ng PHA si Dean Santos. Isa siyang institusyon. Kaya isang malaking kawalan ang kanyang pagyao. Malaki ang paghihirap ni Dean upang mapanatili ang kaayusan at pagpapatuloy ng PHA sa loob ng maraming taon, sa loob ng mahabang panahon.
Madaldal si Dean Santos. Hyper sa pagkukuwento at laging mataas ang energy. Pero makinig ka lang at sigurado marami kang matututuhan.
Madaling kausapin at lapitan. Malambing. Masayahin at hindi mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. Maunawain at maaalalahanin. Maka-Diyos at makabayan.
‘Yan si Dean Gloria M. Santos. Ang aming mapagmahal na “Ina sa Kasaysayan”.
Dean Santos, mahal kita. Mahal na mahal ka namin.
Salamat sa Dakilang Manlilikha sa buhay na ipinagkaloob sa iyo na nagsilbing daluyan ng biyaya sa aming buhay.
Jonathan Balsamo
Valenzuela City
March 26, 2011
2:46 a.m.
No comments:
Post a Comment