Monday, March 21, 2011

Noong 1959: Baliktanaw at Pagtanaw sa Kahapon at Bukas ng Ateneo

by Jonathan Capulas Balsamo

Saturday, June 27, 2009 at 10:37pm

(mula sa facebook note)



“God in His infinite wisdom has allotted to the Ateneo the destiny of being the nursery of Philippine nationalism.”

“Today Ateneans are in Congress, in the Cabinet, in the judiciary, in foreign service, in art, science and business – all contributors to the glory, prosperity and happiness of this nation.”


- Pangulong Carlos P. Garcia (1959)



Limampung taon na ang nakararaan, ipinagdiwang ng Ateneo de Manila ang ika-100 taon ng pag-iral nito bilang paaralan --- mula 1859 nang magbalik sa bansa ang mga Heswita at ipilit sa kanila ang pamamahala sa naghihingalong Escuela Pia (paaralang primarya ng mga Kastila) sa Intramuros, hanggang 1959 sa taong naging unibersidad ang tinitingalang paaralan ng Ateneo de Manila sa Lungsod Quezon.

Hindi lamang para sa mga kasapi ng lumalaking komunidad ng Ateneo may saysay ang sentenaryo ng paaralan. Ang pagpapahalaga at pagkilala sa sentenaryo ng Ateneo ay pambansa. Pang buong bansa. Isang “historical event of profound national significance” nga ito para kay dating Pangulong Carlos P. Garcia.

Sa kanyang talumpati sa Ateneo noong 1959, mabigat na putong ng pagkilala ang iginawad ni Pangulong Garcia sa paaralang itong pinamamahalaan ng mga Heswita. Wika niya: “Ateneo has won distinction as the cradle of modern Philippine nationalism” at “the greatest leaders in the epic struggle for our national redemption and freedom bore the signet of Atenean education.”

May ilang katanungang maikakabit sa pahayag na ito ng pangulo. Una, paano naging “cradle of modern Philippine nationalism” ang Ateneo? Ikalawa, Sinu-sino ang mga tinutukoy niya na “greatest leaders” mula sa Ateneo sa sinasabi niyang “epic struggle for national redemption and freedom”? Sobrang papuri, di ba?

Bagaman mabulaklak at mapalabok ang talumpati, sa kabilang banda, maituturing itong lagom ng 100 taong pag-iral ng paaralan. Mahihimay sa kabuuan nito ang mga patunay buhat sa kasaysayan ng Ateneo na ginawang basehan ng pangulo sa kanyang pagdakila sa Ateneo ng noon at mapanghamon na pagtanaw sa Ateneo ng susunod na dantaon.


Ang Kontribusyon ng Ateneo sa Pagbubuo ng Bansa (Nacion)

Sa kanyang talumpati tinukoy ni Pangulong Garcia ang bahagi ng Ateneo sa sinasabi niyang “makabagong kasaysayan ng Pilipinas”:

  • “the pens that first pricked the conscience of Spain”
  • “the life offered at the altar of supreme sacrifice that the Filipino Nation might come to life”
  • ‘the leaders of the Revolution of 1896 who sat in the high councils of the First Republic and were among its generals and soldiers in the field”
  • “those that swelled the ranks of Nacionalistas led by the triumvirate of Osmena-Quezon-Palma that spearheaded the struggle for independence through peaceful means in the early days of the American regime”
  • “those who penned the Constitution of the Republic of the Philippines – they were all bright stars in the constellation of illustrious Ateneans”
  • “Today Ateneans are in Congress, in the Cabinet, in the judiciary, in foreign service, in art, science and business – all contributors to the glory, prosperity and happiness of this nation.”

Mapalilitaw rito kung ano ang pangunahing bahagi ng Ateneo at kontribusyon nito sa bansa --- ang kanyang bunga bilang paaralan: mga kabataang hindi lamang tinuruan at pinagtapos ng kurso kundi mga kabataang pinagsikpang hubuging ganap sa tradisyon at mga prinsipyong isinusulong nito, para sa kadakilaan ng Diyos at kapakanan ng Bayan. (Pero dapat ding isasip na tulad din ng iba, meron din itong bulok na bunga.)

Cradle, seed bed at nusery ng Nasyonalismo ang Ateneo

Dahil produkto ng edukasyon sa Ateneo ang marami sa mga namuno, nanguna at nagtaguyod ng pagpapabuti ng kalagayan ng Pilipinas o mapalaya ito sa masamang lagay noong panahon ng mga Kastila, igigiit sa buong talumpati ng pangulo ang Ateneo bilang “cradle”, “seed bed,” at “nursery” ng “Philippine nationalism”. Ano ba ang meron sa edukasyong ipinagkakaloob ng Ateneo sa mga estudyante nila para manganak ito ng mga taong tutugon sa pangangailangan ng bayan noong panahong iyon?

Bago si Garcia, pasagutin muna natin dito si Rizal na nag-aral nang limang taon sa Ateneo at kinikilalang pangunahing bayani ng bansang ito. Sa kanyang nobelang El Filbusterismo, ipinakita niya sa buhay ni Basilio ang tingin niya sa Ateneo noon. Sa limang taong pag-aaral ng haiskul, ang unang apat na taon ay kinuha ni Basilio sa Letran na hawak ng mga Dominiko. Sa pag-aaral niya sa Letran naging kalunos-lunos ang kanyang pag-aaral: walang pakialam ang mga guro, hindi maaayos ang paraan ng pagtuturo, at puno ng diskriminasyon at pamamahiya. Natuto lamang siya sa sariling pagsisikap at pagnanais na matuto. Inilipat siya ni Rizal sa Ateneo sa huling taon (ikalimang taon). At dito, maikukumpara ang edukasyon sa ilalim ng mga Dominiko sa edukasyon sa kamay ng mga Heswita. Kahit isang taon lamang siyang nag-aral sa Ateneo, puring-puri ni Basilio ang mga Heswita: ang kanilang maayos na paraan ng pagtuturo at pagmamalasakit sa mga mag-aaral. Ito rin ang itinatangi ni Rizal sa kanyang pag-aaral sa Ateneo. Mapapatunayan ito sa buhay at mga liham ni Rizal. Sa katunayan, maging si Rizal ay nakapagsabing siya rin ay posibleng naging Heswita, kung hindi lamang sa mga kaganapan sa Pilipinas noong 1872.

May natatanging katangian ang edukasyon at tradisyon sa Ateneo ng mga Heswita.

Kinilala ni Garcia sa kanyang talumpati ang papel ng mga Kastilang Heswita na guro noon sa Ateneo. “(They) have contributed so greatly to the development of Philippine nationalism,” wika niya. Paano? Una, umigting ang usapin ng sekularisasyon (Pagsasa-Pilipino ng mga parokya na nagbigay daan sa usapin ng nasyonalismo at Pagka-Filipino) sa kanilang pagbabalik noong 1859. Ikalawa, hinubog ng mga Kastilang Heswita ang mga magiging lider ng rebolusyon para sa kalayaan ng Pilipinas (“Jesuits have trained their own best enemies, from Voltaire and Rizal to our time”).

Sa paglaban sa mga Kastila, isa sa mga nais mangyari ng mga rebolusyonaryo ay ang pagpapalayas sa mga prayleng Kastila pero lumalabas na hindi kasama rito ang mga Kastilang Heswita. Itinatangi sila. Ang paliwanag dito, ayon kay Garcia, ay sa Ateneo, ang mga Kastilang Heswita “encouraged and satisfied the unquenchable thirst of the emergent Filipino Nation for an equal opportunity, without racial discrimination or obscurantist prejudice, for knowledge and progress”. Sa obserbasyon naman ng isang journalist na Pranses na nasa Pilipinas noong panahon ng himagsikan: “if the Tagals (Tagalog) seemed to equally detest Dominicans, Franciscans, Augustinians and Recollects, they make an exception of the Jesuits, who are responsible for secondary education and have earned a reputation for tact and liberalism.”

Ang nasyonalismong itinuro ng mga Kastilang Heswita ayon kay Garcia ay “Spanish Nationalism” at hindi “Filipino nationalism.” Kabalintunaan ito. Pero sa tingin niya “the Spanish Jesuits if they were bad Spaniards, were after all good teachers” dahil “they taught Rizal and his generation that Filipinos and Spaniards were equal; that application, resourcefulness and natural talent, irrespective of name or colour or wealth, were titles to reward; and, above all, that knowledge was an end desirable in itself and open for all.”

Dahil sa maayos na pagtuturo at pagmamalasakit sa kanilang mga mag-aaral, naibahagi ng mga Kastilang Heswita sa kanilang mga Pilipinong mag-aaral hindi lamang ang mga kaalamang kakailanganin nila para sa kanilang sariling pag-unlad kundi maging ang nasyonalismo o ang damdaming makabayan na aapaw sa huling bahagi ng ika-19 na dantaon at hahantong sa pagbuo ng bansang Pilipinas at paghiwalay o paglaya mula sa tanikalang gumagapos sa kanya a Espanya.

Sa madaling salita, pinasimulang lamanan ng Ateneo ang utak ng mga taong tulad ni Rizal ng mga kaalaman at prinsipyong gigising sa kanila at magagamit din nila para sa pagsusulong ng kanilang layunin sa buhay: ang pagpapabuti sa kalagayan ng mga Pilipino at ng Pilipinas. Pero dapat ding sabihin na sa kabilang banda, may mga Pilipinong lumaban noon na may sariling pinaghuhugutan ng kaisipan sa pagtatamo ng kalayaan at pagbubuo ng bayan. Hinugot nila ang mga kaisipang ito mula mismo sa kalinangan ng bayang Pilipino, nariyan na bago pa man dumating ang mga Kastila at Heswita.

Pagtanaw sa susunod na dantaon: Mga Hamon sa Ateneo

Sa kabuuan ng pagbaliktanaw niya sa nakaraan ng Ateneo, nagbigay pa ng isang lagom si Garcia: “it cannot be gainsaid that the old Ateneo Municipal was a tremendous liberating force for the energies and self-confidence of the developing Filipino Nation.” Ito ang naging papel ng Ateneo noon sa pagbubuo ng bansa. Ano naman kaya ang papel ng Ateneo ngayon sa patuloy na pagbubuo ng bansa?

Kaugnay ng paglingong ito sa “glorious past” ng Ateneo ay hindi maiiwasang tanawin ang hinaharap, ang “grandiose future” ng paaralan. Dito, dalawang mahalagang papel ang nakikita niyang gagampanan ng Ateneo sa larangan ng edukasyon sa susunod na isaandaang taon, na parehong nasasalalay sa “great tradition” ng mga Heswita.

Una, isang misyon para sa bansa. Mula sa kaniyang panahon, ginawang halimbawa ni Garcia ang “intensive emphasis on scientific education” ng Unyong Sobyet na kinakatawan ng “Sputnik” at “Lunik” na nagsisilbing hamon sa pagpapaunlad ng agham sa buong mundo noon. Inamin niyang sa Pilipinas , wala tayong pera at teknikal na pagsasanay. Pero higit pa sa pagpapalipad ng satellite o nuclear weapons, ang nakikita niyang positibong dulot ng maunlad na agham na magagamit sa pagpapaunlad ng bansa, sa agrikultura, sa paglinang ng likas na yaman tulad ng mga mineral at marami pang iba na makatutulong sa pag-unlad ng bansa. Hamon daw sa atin kung paano nagawa ng Unyong Sobyet na maiangat ang antas ng edukasyon at agham nito mula sa isang henerasyong binubuo ng “illiterate peasants”. Ang hamon dito ay dalawa: pagpapaunlad sa antas ng edukasyon (lalo na sa larangan ng agham) para magamit sa pagpapaunlad ng lipunan; at pagpapaabot ng edukasyon sa masa – sa nakararaming tao na sa tulong ng edukasyon ay gaganap sa pagpapaunlad ng bansa.

Ano ang batayan ni Garcia sa pagtatakda ng hamon na ito sa Ateneo? Dahil daw sa “scientific tradition” ng Ateneo ay makakaya nitong manguna sa pagtugon sa pagpapaunlad ng agham sa bansa. Nagbanggit ng mga patunay rito si Garcia:

Sa Ateneo nagmula ang unang Filipino botanist, si Leon Ma. Guerrero.
Sa Ateneo rin galing ang “most eminent chemist” noon, si Anacleto del Rosario.
Mayroon ito dating “Ateneo Museum” na naglalaman ng Philippine natural science na kilala sa buong mundo
nakabuo ito dati ng “community of scholars and scientists” na nagtuturo ng Classics at nagtayo ng “Manila Observatory”

Binanggit din niya ang galing sa iba’t ibang larangan ng mga kasapi ng Kapisanan ni Hesus – may mga doktor, historyador at siyentipiko. Ang lahat ng ito ang magsisilbing dahilan ng pag-asa na ang Ateneo de Manila ay muling mangunguna sa buong bansa sa larangan ng edukasyon at agham.

Ikalawa, misyon sa mundo. Pagtatakda niya sa Ateneo: “Give a home in the Philippines to ancient cultures and philosophies of Asia, and send forth in return the principles and doctrines of a Christian democracy.” Paano? Ayon kay Garcia, Ateneo “ is in perfect position to interpret Asia and the West to one another”. Nakapook ito sa Asya at nakapalibot dito ang mayamang kultura at tao ng Silangan. Sa kabilang banda, taglay ng edukasyon noon sa Ateneo ang “unique command of classic western philosophies, both Greek and scholastic”. Dahil dito, nasa tamang posisyon ang Ateneo at may kakayanan itong maging tulay ng silangan at kanlurang kultura at tradisyon. Kuhang-kuha ito ng matalinghagang larawan ng magiging Ateneo ng bukas: “I see in the Ateneo de Manila of the next hundred years an Academy of Asia, where Aristotle and Plato may converse with the Seven Sages of Bamboo Grove, and the lofty austerities of Aquinas may be warmed by the humility and loving kindness of Gandhiji.”

Ang Ateneo de Manila sa susunod na isandaang taon, sa pananaw ng presidenteng ito ng Pilipinas ay magiging “Academy of Science” at “Academy of Asia.” At para ilarawan ito, sinabi niyang umaasa raw siyang makakakita ng isang bago at mas malaking “Scientific Museum” katabi ng “Gymnasium” at “Chapel.”

Limampung taon na ang nakaraan nang minsang balikan ng isang pangulo ng bansa ang kasaysayan ng Ateneo para gawing batayan ng kanyang pagtanaw sa isang bukas na hindi lamang eksklusibo para sa Ateneo, ngunit para sa buong bansa. Nakita niyang maaaring maging kasangkapan ang Ateneo sa paglalatag ng landas tungo sa kaunlaran ng bayan, sa pagbubuo ng isang tunay na matatag na bansa. Nasa gitna tayo ngayon ng dantaon na iyon. Sa tingin mo, kaya kayang maabot kundi man mahigitan ng Ateneo ang mga hamon at pagtatakdang ito sa kanya?

150 na ang Ateneo. Oo, 150 na tayo. Tayo ang Ateneo. Nasa atin ito. Darating ang panahong aalis o lilisanin din natin ang Ateneo. Pero kailanman, hindi maiaalis sa atin ang Ateneo. Nasa atin ito.

Pero gaano nga ba katotoo sa atin ang diwang Ateneo?




(Sana nga lang si Garcia ang gumawa ng speech niya :-j Hindi nga pala Atenista ni Garcia. Tubong Bohol siya at nagtapos sa Silliman.)

Ang talumpating binabanggit ay ang Commencement Speech (One Hundred Years of the Ateneo de Manila) ni Pang. Carlos P. Garcia noong March 15, 1959 na nalathala sa Philippine Studies Vol. 7, No. 3. 1959: 263-270

No comments:

Post a Comment